Huwebes, Enero 19, 2017

Sanaysay

  

           May purpose kung bakit ginawa ang isang bagay. Hindi nagpakahirap umimbento ang isang tao para lang sa wala o dahil trip lang n’ya. Lahat ng ito ay may dahilan at pinagugatan. Katulad ng bahay, ito ay ginawa upang maging tirahan ng isang pamilya, ito ang kanyang purpose. Kahit na ano pa mang bagay ang ating makita o anumang uri ng nilalang, may dahilan kung bakit ang mga ito ay nilikha. Maging toothpick man ‘yan, ipis, o kuto d’yan sa buhok mo, may dahilan kung bakit sila nilikha.
 
            Kung ang napakaliliit na mga bagay o mga peste na sa tingin natin ay walang pakinabang ay meron palang dahilan kung bakit nilikha, ang sanaysay pa kaya.  Natutuwa man tayo o inis na inis sa tuwing pinagsusulat tayo ni teacher ng sanaysay, o kung minsan ay napapatanong sa isipan kung bakit pa ba naimbento ito, may maganda naman pala itong dahilan. Nilikha ang sanaysay upang malayang maipahayag ang mga damdamin, karanasan, at kuro-kuro ng mga tao. Nais lang naman palang tulungan ng sanaysay ang mga taong gustong magpahayag o magsalaysay ng kanilang mga damdamin, pananaw, o napagdaanang karanasan sa buhay.

            O ‘di ba, buti pa ang sanaysay may magandang rason kung bakit nilikha. Buti pa ang sanaysay may pakialam sa damdamin mo.
            Bakit nga ba sa dinamidami ng maaaring katawagan sa sanaysay ay sanaysay pa ang naging tawag dito. Si Alejandro Abadilla ang may kagagawan nito. Salitang likha ni Abadilla ang sanaysay matapos niyang pagsanibin ang dalawang salitang “sanay” at “pagsasalaysay”. Sanay + Pagsasalaysay= Sanaysay, o ‘di ba ang galing. Kung kaya’t ayon kay Abadilla, ang sanaysay daw ay “pagsasalaysay ng isang sanay” o “nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay.”

            Ang sanaysay ay hindi tao, ito ay isang anyong pampanitikan. Wala man itong pera, marami siyang naiambag bilang anyong pampanitikan. Isa lang naman ang sanaysay sa mga nakatulong kung bakit nakamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga bansang mananakop. Sanaysay din ang may kagagawan kung bakit umunlad ang panitikan sa Pilipinas sa pagusbong ng iba’t ibang uri ng sanaysay na nakatulong sa pagbabahaginan ng impormasyon at pagiging malaya sa pagpapahayag ng karanasan. Kagaya na lamang ng talaarawan, liham, panayam, talambuhay, at travelogue.


            Hindi lang sa pagtulong ng sanaysay sa pagpapahayag ng mga damdamin o kuro- kuro ng manunulat natatapos ang tunguhin nito. Malaki rin ang naging tunguhin nito sa kasaysayan ng panitikang Filipino. 

Ika-labing pitong siglo ng makilala ng mga Pilipino ang Sanaysay. PagsasaKristiyano ang unang naging paksain ng sanaysay sa Pilipinas at nakasulat ito sa wikang Espanyol dahil malamang ang mga Espanyol ang nagpakilala nito sa Pilipinas. 
  
Sa panahon ng propaganda at pagsisimula ng Samahang Repormista, nagsimula na gamitin ng mga Pilipino ang sanaysay upang tuligsain ang pang- aabuso ng mga mananakop.

Sinimulan ng isulat ang mga sanaysay sa katutubong wika at ipinagpalit ang wikang Espanyol noong panahon ng Himagsikan. 

Nang dumating ang mga Amerikano, nakiuso ang mga Pilipno na sumulat ng sanaysay sa wikang Ingles. Madalas itong impormal at sentimental. Ang sanaysay noon ay mailalarawan sa kanilang kritisismo sa Amerika at nasyonalismo na laganap sa Panahon ng Hapon.
Sa modernong panahon, porke maraming nauuso, samu’t saring tema na din ng sanaysay ang lumalabas. May tungkol sa paglalakbay, akdang pantalambuhay, pagkain at iba pang uri na pwedeng paksain.

            Hindi naging ganon kadali ang pinagdaanan ng sanaysay sa Pilipinas. Samu’t saring isyu din ang kinaharap nito sa bansa (parang artista lang). Naging napakalaking isyu ang paksain ng mga sanaysay lalo na noong panahon ng pananakop. Napaka-big deal ang pagsusulat ng mga Pilipino tungkol sa pagtuligsa sa pamahalaan at di pagsang-ayon sa pang-aabuso ng mga mananakop. Ito ay isa sa naging dahilan ng pagkagising ng nasyonalismo ng mga Pilipino at rebolusyon. Naging isyu rin ang pabago-bago ng wikang gagamitin sa pagsasanaysay. Iba-iba kasing bansa ang nanakop, kaya ayun, papalit-palit din ng wikang ginagamit sa pagsasanaysay. 
         Isa pa ay ang hirap na kinahaharap ng mga manunulat sa pagiimprenta ng kanilang mga sanaysay lalo na nu’ng panahon ng Kastila na kung saan mga prayleng kastila lamang ang nagmamay- ari ng palimbagan. Noong panahon naman ng Amerikano, nagpatupad ito ng mga batas na naninikil sa diwa ng nasyonalismo ng bansa at pagbabawal sa pagsusulat. Nariyan ang Sedition Law (1901) o pagbabawal sa mga Filipino na makapagpublish. Isa pa ay ang Brigandage Act (1902) o pagbabawal na magtayo ng mga samahan o kilusan. Pati na rin ang pagbabawal sa pagwawagayway ng bandila o tinawag na Flag Law (1907).
 
            Halos lahat ng bagay ay may mga uri. Kung ang damit ay may pormal at impormal, gayundin ang sanaysay. Ang pormal at impormal ay dalawang uri ng sanaysay. Ang mga pormal na sanaysay ay bunga ng pananaliksik at mayroong pagpapahalaga sa mga nakalap na datos. Kung kaya tinatawag din itong maanyo.  Madalas na gamitin dito ay ang mga pormal na wika. Ang tesis, eksam, talumpati, at panunuring pampanitikan ay ilan sa mga halimbawa ng pormal na sanaysay.

            Natural na ang impormal ay kabaligtaran ng pormal. Ang impormal na sanaysay naman ay karaniwang batay sa sariling karanasan. Maaari din itong tawaging personal na sanaysay. Dito, pwedeng- pwede nang gamitin ang mga salitang balbal o mga impormal na salita. Ang mga halimbawa naman nito ay ang talaarawan, liham, panayam, pamilyar na sanaysay, travelogue, rebyu, lathalain at talambuhay.
 
            Ang talambuhay ay isa sa mga halimbawa ng impormal o personal na sanaysay. Mula sa pinagsamang mga salitang “tala” at “buhay,” nabuo ang salitang “tala ng buhay” o talambuhay. Dito nagsasalaysay o nagkwekwento ang mga mananaysay ng mga piling pangyayari sa buhay ng isang tao na hango sa mga tunay na tala at impormasyon.

            Sa usaping sanaysay, hindi mawawala ang malikhaing sanaysay. Tulad ng tao o anumang bagay, ang malikhaing sanaysay ay nagtataglay din ng mga katangian. Ipinaliwanag nina Lee Gutkind at Philip Gerard ang mga katangiang ito. 
Sabi ni Gutkind, kinakailangag taglayin ng malikhaing sanaysay ang mga sumusunod na katangian: pagsasabuhay at pakikipamuhay sa realidad ng sinusulat; pananaliksik sa napiling paksa, pagninilay-nilay sa nakalap na datos, pagbabasa ng mga tekstong makatutulong sa pagsusulat; at ang mismong akto ng pagsusulat.
Ang sabi naman nitong si Gerard, dapat daw mayroon itong malinaw na sabjek at isang malalim na sabjek. Kinakailangan din na sumusunod ito sa katangian ng paksa sa peryodismo na napapanahon. Nagsasalaysay ito ng isang magandang kwento gamit ang estruktura ng maikling kwento. Dapat ito ay isang pagmumuni-muni ng may akda. Panghuli, pinahahalagahan nito ang sining ng pagsulat.

            Dahil sa mga katangiang taglay ng malikhaing sanaysay, hindi nakapagtataka kung bakit madalas sulatin ang malikhaing sanaysay. Sino ba naman kasi ang ayaw maging malaya lalo na pagdating sa pagsusulat. Yung tipong hindi ka lang nakatigang sa sinusunod mong rules sa pagsusulat. Dito mo masusubok ang pagiging malikhain ng isip mo. Malaya mong maipapahayag ang sariling opinyon o damdamin na nakabatay sa katotohanan. Malaya mong magagamit ang kung anong style ang gusto mo sa pagsusulat.
            Ang blog o blogging ay ang nauuso ngayong pagsasanay sa pagsusulat gamit ang internet. Kahit sino pwedeng pwede gumawa ng blog at maging isang blogger (taray ‘di ba?). Itinuturing ang blog bilang malikhaing sanaysay dahil ginagamit ito madalas ng mga blogger bilang kanilang mga dyornal o talaarawan. Malaya nilang naipapahayag ang kanilang mga damdamin at karanasan sa pamamagitan ng pagpopost nito sa kanilang mga blog site.


Sanggunian:

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento